Friday, March 20, 2009

piko

Mabagal kong pinaaandar ang pulang kotse papasok sa subdivision kung saan ako nagrerent ng isang maliit na kwarto. Malayo pa lang ay nakikita ko na ang mga batang nakatira sa squatter’s area na naglalaro sa mamaya’y daraanan ko.

Piko ang laro. Nangingiti ako habang nakatingin sa batang itinapon ang pato at tumama sa guhit ng bahay. Nakita kong nayamot ang kanyang madungis na mukha habang gumigilid na. Talo na sya.

E kasi naman, ang pato nya ay isang binasag na paso. Hindi ito katulad ng dati kong pato na balat ng saging na saba o latundan na pinilit kong pitpitin ng bato. Kailangan kasing manipis at mabigat ang pato para kapag binato ay papasok sya sa loob ng iginuhit ng chalk na bahay.

Tumira ang isang medyo may katangkarang batang babae. Pasok. Sinimulan na nyang itaas ang kaliwang paa at humakbang papasok sa bahay.

Wow. Ganon na ba ako katanda? Sa Valenzuela, halos wala na akong nakikitang bata sa daan. Mangyayari pa ba iyon na kahit bilog ang buwan ay makikita mong nagliligawan ang mga dati’y baby pa lamang na anak ng kalaro ko. Nandoon din ang mga kotse at jeep na hindi na magkasya sa garahe ng kapitbahay ko at maliit na lugar na lang ang natitira sa kalye.

Sayang ang liwanag ng buwan. Kung ang maririnig mo lang ang ungol na nanggagaling sa umuugang jeep na hindi mo alam kung may naglalaro rin ng kung hindi piko ay dama. Kung ang makikita mo lang ay ang magbabalot na imbes na humiyaw ng “Balooooooot” ay nakatambay lang sa kanto at nakikipag-inuman sa grupo ng mga nagcho-chongke.

Nanalo ang batang tumatawid sa bahay na piko. Minsan nakakainggit, sana bata pa rin ako na nakakapaglaro ng taguan, ng goma, ng tex , ng pog, ng Chinese garter o ng luksong tinik para kahit madapa ako, pwede kong tawagin ang yaya ko, o nanay ko o mga kalaro ko. Iba na ngayon, minsan, kailangan ko saklolohan ang sarili ko kapag nadapa ako.

Iba na rin ang laro ko ngayon. Nakikipaglaro rin ako sa iba. Dati puro lalaki kalaro ko ngayon ay babae na. Bastos at masarap na laro. May taguan pero walang goma, walang tex , walang pog at ibang Chinese garter na ang alam ko at kabisado ko.

Pero ang piko na nilaro ko dati, nawasak, natalo ako. Nasira ang bahay na dati’y alam kong dapat laging buo. Ngunit gaya nga ng nasabi ko na, hindi na ako humingi ng tulong sa yaya ko. Laro ko ito. Ako lang at walang ibang pwedeng magbigay ng solusyon.

Iginarahe ko ang sasakyan at kinuha ko ang mga dala-dalahan ko. Lintek! Kahit kalian lampa ako, natisod ako sa isang putol na tiles. Hmmm. Pinakamagandang pato ko sa piko na bubuuin ko pa lang.

Na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung paano sisimulan…

No comments: